
“Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.” Ito ang tema sa taong 2019 ng pagdiriwang sa Buwan ng Wikang Pambansa. Ang paglulunsad ay dinaluhan ng buong akademikong komunidad ng paaralan at ng mga panauhin.
Ang pagtatanghal ng katutubong sayaw ng Teatro Balintataw ng departamento ng kolehiyo at ang pag-alay ng mga awitin ng iba’t ibang departamento ang naging hudyat sa pormal na pagbubukas ng programa. Ibinida rin sa paglulunsad ang mga kasuotang pinoy na sumasalamin sa mayamang kultura ng mga Pilipino. Buong pagmamalaking ipinarada ang mga ito ng mga piling mag-aaral mula sa iba’t ibang departamento. Maging ang mga guro ay hindi nagpahuli sa pagbabahagi ng kanilang talento sa pagsasayaw.


Matapos ang mga pagtatanghal, inilahad ang mga aktibidad na siyang magbibigay ng buhay at kulay sa buong pagdiriwang ng Buwan ng Wika hanggang sa araw ng kulminasyon. Sa kaniyang pangwakas na pananalita, ipinaalala ni G. Gerom Bucani sa lahat, na bilang mga Pilipino, sana ay lalo pang tangkilikin at pagyamanin ng bawat isa sa atin ang sariling wika, ang WIFI o Wikang Filipino. Dahil ang Wikang Filipino ang ating wika ng pagkakaisa at wika ng ating pagkakakilanlan.

Photos credit to: Dynn Russel R. Delicana